Rubout?
Matapos na mabanggit sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino na papapanagutin ang mga opisyal at tauhan ng PNP na sangkot sa pagpatay sa dalawang Ozamis leader, eto na, kahapon tila agad na nagpahiwatig si PNP chief Director General Alan Purisima ukol sa naturang kaso.
Kahapon direkta nang sinabi ng PNP chief na walang shootout kundi rubout ang naganap na pagpaslang sa mga lider ng Ozamis na sina Ricky Cadavero, alyas Kambal at Wilfredo Panogalinga, alyas Kulot noong gabi ng Hulyo 15 sa San Pedro, Laguna.
Batay ito sa isinumite sa kanyang report ng itinatag na task force ng PNP na nagsisiyasat sa naturang insidente.
Lumalabas na wala umanong naganap na pagpapalitan ng putok o shootout, gaya ng alegasyon ng mga sangkot na pulis na nagdala sa dalawang suspect sa Laguna.
Gayunman, ayon pa kay Purisima, patuloy pang kinukumpleto ng task force ang mga nasamsam na ebidensiya kabilang ang pahayag ng mga testigo para tumayo ang kaso sa korte.
Umabot sa 15 opisyal at tauhan ng pulisya ang naunang sinibak sa puwesto kaugnay sa naturang insidente, kabilang dito si Chief Supt. Benito Estipona na dating Calabarzon Regional Director.
Nangako rin si Purisima na aalisan ng maskara ang utak sa pagpaslang o pagpapatahimik sa dalawang lider ng gang.
Naku po, panibago na namang dagok ito sa PNP na tila hindi na yata makabangon at palagi na lamang nadadawit sa ganitong mga kontrobersiya.
Ang nakakalungkot lang dito, ’ yung iba na tapat na nagseserbisyo eh damay sa ganitong mga isyu.
Magkagayunman, talagang kailangang maalis sa hanay ang mga pasaway o bad eggs hangga’t maaga, para hindi na makahawa pa ng iba.
Mabuti naman at nagbanggit si PNoy ng mga tauhan ng PNP, na naging tapat sa kanilang pagtupad sa kanyang SONA.
Naniniwala rin tayo na hindi lang tatlo ang mga yan, gaya ng iniharap ni Pangulong Aquino kundi marami pa rin naman ang nasa tamang daan at tapat sa pagseserbisyo, pero hindi nga lang nabibigyan ng pansin kasi nga ang madalas na makita kung pulisya ang pag-uusapan ay ang mga pangit na bagay.
- Latest