Delphine Lalaurie: Malupit na amo, mga katulong tinu-torture, tinatahi ang bibig
DITO sa Pilipinas ay maraming malupit na among babae sa kanilang mga katulong. Ilang taon na ang nakararaan, isang among babae sa Quezon City ang inireklamo dahil sa pagmamaltrato sa kanyang maid. Lagi nitong ginugulpi ang maid na naging dahilan para ito mabulag. Nakakulong na ang amo.
Pero noon pa palang unang panahon ay mayroon nang mga among babae na malupit sa kanilang mga katulong. Isa rito si Delphine Lalaurie ng New Orleans.
Nangyari umano ang kalupitan ni Delphine sa mga katulong noong 1820 at tumagal nang hanggang 1834.
Maraming katulong sina Delphine sapagkat mayaman sila. High-class ang kanilang pamilya. Dalawa ang kanilang anak.
Noon pa ay marami nang naririnig tungkol kay Delphine at sa asawa nito. Umano’y mga malulupit ito sa mga katulong. Subalit wala namang maipakitang konkretong ebidensiya. Kaya pawang haka-haka lamang ang sinasabing kalupitan ni Delphine.
Hanggang sa isang sunog ang mangyari sa mansion nina Delphine. Dumating ang mga mga bumbero, rescue workers at mga awtoridad.
Ganoon na lamang ang kanilang pagkagimbal nang makita ang isang 70-anyos na babae na nakakadena ang paa sa gas stove. Inamin naman ng babae na siya ang may kagagawan ng sunog. Magpapakamatay daw siya. Mas gusto pa raw niyang mamatay sa sunog kaysa maranasan ang parusa ni Madam LaLaurie. 


Nagduda ang rescuers at mga pulis sa pinagtapat ng maid. Hanggang sa mag-imbestiga sila. Ginalugad ang mansion at natagpuan sa attic ang may 12 katulong na pawang payat at gutom na gutom.
Nabulgar ang kalupitan ni LaLaurie. Marami pala sa katulong ang tinorture nito --- may tinahi ang bibig, pinutol ang katawan, sinunog at iba pang karumal-dumal na krimen.
Galit na galit ang mga taga-New Orleans sa pamilya ni LaLaurie. Subalit dahil maimpluwensiya at mayaman, nakatakas sila at nagtungo sa Paris. Doon na umano namatay ang malupit na si LaLaurie. 

(Hango sa listverse.com)
- Latest