EDITORYAL - Pondo para sa classrooms
INILABAS na ng Department of Budget ang karagdagang P4.5 bilyon para sa Department of Education (DepEd). Ang pondo ay gagamitin para sa rehabilitasyon ng mga silid-aralan at construction ng sanitation facilities sa mga pampublikong eskuwelahan (elementary at high school) sa buong bansa. Ang pagdadagdag ng pondo sa DepEd ay para mapabuti ang kalidad ng edukasyon ng mga nasa public school.
Magandang balita ito. Maaaring hindi na magkaroon ng problema sa susunod na school year sapagkat mapapakinabangan na ang P4.5 bilyong pondo. Madadagdagan na ang mga classroom at magkakaroon na ng mga karagdagang silya para hindi na lulupagi sa semento ang mga estudyante. Nang magbukas ang klase sa public school noong Hunyo 3, nagkaroon ng problema ang mga estudyante sapagkat kulang ang classroom.
Bukod sa classroom at silya, problema rin ng mga estudyante sa public school ang kakulangan ng pasilidad para sa inuming tubig. Pero ngayong nagpalabas ng karagdagang pondo, magkakaroon na ng maiinumang malinis na tubig ang mga estudyante. Karamihan sa mga estudyante ay nagkakasakit dahil marumi ang naiinom na tubig.
Hindi naman nabanggit kung magpapagawa rin ng comfort room. Ang kawalan o kakulangan ng CR sa maraming public schools ang isa sa mga problema ng mga estudyante. Marami sa kanila ang hindi malaman kung saan “tatakbo†kapag inabot ng pagdumi o pag-ihi. Nakakaawa ang kalagayan ng mga mag-aaral na nagtitiis na huwag umihi o dumumi.
Nararapat makita ang mga bagong gawang classroom at silya sa pagpasok ng bagong school year o kung maaari ay ngayong taon na ito. Hindi na dapat makarinig ng reklamo sa mga estudyante na wala silang classroom, silya, walang mainuman, at wala ring CR. Huwag pagdusahin ang mga estudyante sa pampublikong eskuwelahan.
- Latest