‘Rebentador’ (Part 1)
Kapag sumasapit ang pagpapalit ng taon, hindi ko maiwasang hindi maalala ang karanasang nangyari sa akin noong aking kabataan. Nasa Grade 6 ako noon, taong 1971. Nasabugan ako ng rebentador na nakalagay sa lata ng gatas. Ako mismo ang nagsindi sa rebentador. Wala akong takot noon.
Disyembre 30 pa lamang ay wala na akong tigil sa pagpapaputok ng five star o rebentador. Nang mga panahon na iyon ay hindi pa ipinagbabawal ang mga paputok kaya kahit saang tindahan ay maaaring makabili ng paputok—lalo ang rebentador. Kahit sa maliit na tindahan ay puwedeng bumili.
Marami akong perang napamaskuhan kaya malakas ang aking loob na bumili ng mga paputok. Bukod sa rebentador, bumibili rin ako ng mga pulbura. Ilalagay ko ang pulbura sa isang maliit at bilog na bakal. Lalagyan ng buntot ang bakal at saka ihahagis sa ere. Pagbagsak ay sumasabog ang bakal na may pulbura. Tuwang-tuwa ako.
Bukod sa pulbura, bumibili rin ako ng watusi.
Pero ang pinakagusto ko ay rebentador sapagkat malakas ang putok. Mas lalong malakas kapag pinagsasama at pinagdikit-dikit ang mitsa at saka sisindihan.
(Itutuloy)
- Latest