^

Punto Mo

‘Ika-apat na utos’

- Tony Calvento - Pang-masa

“IGALANG ang iyong mga magulang.” Ito ay utos ng Diyos.          

Lumapit sa aming tanggapan si Gloria Galvez –74 anyos ng Bagong Silang, Caloocan City. Taong 1995, una siyang pinalayas ng kanyang pangalawang anak na si Marietta Candaswa, 50 taong gulang. Pinagtabuyan daw siya nito at pinabayaang magpagala-gala. Kung kani-kanino siya nakituloy dahil wala siyang mapuntahan. “Ayaw niya akong kupkupin kasi pag tumanda daw ako magkakalat lang ako ng dumi at ipapa­lamon daw niya sa akin yun,” sabi ni Aling Gloria. Kasama ni Aling Gloria ang kanyang mga apo sa bunsong anak na si Marites Malacan – 46, nuong nasa bansang Oman sa Gitnang Silangan.  â€œPinalayas rin niya yung mga apo ko kay Marites, sabi niya magugulo na kasi at  makukulit,” ayon sa kanya. Nakahanap ng mauupahan si Aling Gloria at mga apo. Simula noon nagpapadala na ng pera si Marites sa kanila panggastos.

Taong 2003, pangalawang uwi ni Marites sa bansa, nagsumbatan ang mag-ina dahil sa pera. “Inuubos ko raw yung pera na pinapadala niya at kung saan saan ko ginagamit. Sinasaktan ko rin daw yung mga anak niya at minumura-mura,” kwento ni Aling Gloria. Nagulat si Aling Gloria kung saan nakukuha ni Marites ang mga ganoong paratang. Hanggang sa nalaman nito na si Marietta ang nagsasabi kay Marites noong siya ay nasa ibang bansa pa. “Sinusulsulan niya yung mga apo ko pati si Marites! Kaya lahat sila nagalit na sa akin,” dagdag pa ng ginang. “Alas dose ng gabi, maulan pa nga nuon, pinalayas na rin ako sa bahay nila Marietta,” pag-alala ni Aling Gloria.

Parang wala na raw kwenta yung mga ginawa niya para sa mga anak niya at hindi man lang marunong tumanaw ng utang na loob ang mga ito. Naisipan na rin daw niyang magpakamatay kaysa tumanda sa ‘Home for the Aged’. Napagpasyahan niyang makituloy sa mga kasamahan sa simbahan. Isa sa kumupkop sa kanya ay si Flor Sasi na mula rin sa Caloocan. Nakapanayam namin si Aling Flor at nasabi niya na sila raw ay nagkausap ni Aling Gloria tungkol sa mga sakit na nararamdaman nito sa kanyang katawan. Unti-unti na itong nabubulag dahil sa katarata at kailangang maoperahan. Sa kabutihang-palad, tinulungan niya si Aling Gloria para magpagamot. Sinubukan din niyang lapitan ang mga anak nito para makatulong ngunit hindi umano siya pinapansin. “Hayaan nang masaga­saan yan!” eto lang raw ang naging sagot sa kanya ng mga anak nung sinabi niya ang kalagayan ni Aling Gloria. Sa kasalukuyan, nakatira siya sa kasamahan sa simbahan na si Sister Josie.

“Wala na siyang kasama sa buhay kaya sinamahan ko,” sabi niya. Parehas daw silang hirap sa paggalaw. Hindi na nila kayang maghanapbuhay pa kaya ngayon ay humihingi na siya ng tulong sa kanyang mga anak. Abril 19, 2013, unang dumulog si Aling Gloria sa kanilang barangay para ireklamo ang mga anak. Hindi raw natutuloy ang kanilang paghaharap dahil hindi sumisipot ang mga ito. Ika-17 ng Mayo 2013 nang una silang magkaharap.

“Hindi na namin siya haharapin kasi ipapahiya niya lang kami. Pagod na kami sa mga ginagawa niya sa amin, hindi lang dalawang beses na ginawa niya ito kundi maraming beses na. Sana maunawaan niyo po kami,” pahayag ni Marietta. Hindi nagkaayos ang dalawang panig.

Mayo 30, 2013, lumapit na sa aming tanggapan si Aling Gloria at dito na nga nagkaroon ng pagkakataon na sila ay makapag-usap. Sa huli ay handa naman daw silang makipagkasundo sa ina, basta huwag na raw itong gumawa pa ng gulo.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00-4:00 ng hapon at Sabado 11:00am-12:00NN) ang kwentong ito ni Aling Gloria.

Nakapanayam namin si  Marites at iginiit na hindi totoo ang lahat ng sinasabi ng kanyang ina, at ito pa umano ang kung saan-saan nagpupunta. Sinabi rin niya na kaya masama ang loob nilang magkakapatid sa ina, ay dahil nagsasalita raw ito ng hindi maganda sa kanyang mga apo. Humingi rin ito ng tulong sa amin na kausapin ang dalawa pa niyang kapatid para magka­tulungan din sila sa kanilang nanay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES ang nararanasan ni Aling Gloria ay hindi na bago sa ating pandinig. Nakakalungkot mang isipin, ngunit ito ang mapait na katotohanang meron siyang mga anak na kayang balewalain ang kanilang magulang.

Sa panayam namin kay Marites, sinabi niya na handa naman itong makipag-ayos sa ina. Kaya kayong mga anak ni Aling Gloria, kahit ano pa man ang masamang nagawa sa inyo ng inyong ina, hindi ito sapat na dahilan para siya’y inyong pagtabuyan. Sa bandang huli, kahit ano pa man nagawa niya, ina ninyo pa rin siya. Sa inyo Aling Gloria huwag niyo naman sila pagsalitaan ng masasakit na. Sila ang makakasama mo sa pagtanda mo. Hangga’t  maari huwag ka nang gumawa pa ng pwede niyong pag-awayan. Hindi man naging maganda ang relasyon sa isa’t isa ng pamilyang ito, naniniwala kami na sa takdang panahon, sila pa rin ay makakapag-usap at magkaayos dahil sa huli, kayo ay iisa pa ring pamilya. (KINALAP NI TRICIA HIZON) Ang aming numero 09213263166 (Chen)/09213784392 (Pauline)/09198972854 (Monique). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City.

ALING

ALING GLORIA

GLORIA

MARITES

NIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with