Kapiling ng ama’t ina
Ako’y isinilang sa dukhang paligid
Mga magulang ko’y kapwa magbubukid;
Ang aming pagkain ay saging at mais
Ang isda at karne bihirang makamit!
Kami ay malayo sa maisdang ilog
Tatawid pa kami ng dalawang bundok;
Sa di kalayuan may baboy at manok
Pero aso’t baril doo’y nagtatanod!
Kapirasong bukid aming sinasaka
At iyo’y bigay pa ng ama ni ina;
Sa iilang puno ng saging na saba
Sa munting maisan kami ay buhay pa!
Salamat sa Diyos ang lagi kong dasal
Sa lindol at bagyo huwag kaming tamaan;
Maligaya ako sa ganitong buhay
Basta’t kapiling ko si ama’t si inang!
- Latest