30 oras nagpalutang-lutang sa nagyeyelong dagat
MATAGAL nang magÂkaibigan sina Ken Henderson at Ed Coen, Hiling nila ang mag-fishing. Kung saan-saang lugar sila dumadaÂyo para sa fishing trip. Hanggang sa sumapit ang isang trahedya sa kanilang buhay. Lumubog ang kanilang fishing boat habang nasa Gulf of Mexico. Nangyari iyon noong Marso 2012.
Nabutas ang kanilang fishing boat. Mabilis na pumasok ang tubig at tumigil ang makina. Pinilit nilang limasin ang tubig pero walang epekto. Kumontak sila sa radio pero walang response. Wala ring signal sa kanilang cell phone. Bago tulu-yang lumubog ang bangka nakapagsuot sila ng lifejacket at ilang supplies. Iglap lang at tuluyang lumubog ang bangka. Nagpalutang-lutang ang dalawa sa nagyeyelong tubig.
Habang nakalutang, nag-uusap sila at pinagdidikit ang katawan para manatiling mainit ang katawan. Nilabanan nila ang matinding pagod, pagkauhaw at grabeng lamig. Wala silang matanaw. Puro tubig ang nakikita nila. Wala rin silang matanaw na sasakyang dagat.
Hanggang sa mapansin ni Ken na nasa masamang kalagayan ang kaibigang si Ed. Nagha-hallucinate ito. Kung anu-ano ang sinasabi.
Hanggang sa matanaw ni Ken ang isang oil rig. Nagpasya siyang languyin iyon. Hindi na maaaring makalangoy si Ed sapagkat hinang-hina na ito.
Grabeng hirap ang dinanas ni Ken bago narating ang oil rig. Napakalayo niyon at halos mawalan siya ng malay sa sobrang hirap. Pero tiniis niya. Kailangang makahingi siya ng tulong para mailigtas ang kaibigang si Ed.
Nang marating ang oil rig, nakakita siya roon ng galley na may phone. Tumawag siya sa kanyang asawa at ito ang nag-alerto sa Coast Guard. Pinuntahan ng Coast Guard ang lugar na kinaroroonan ni Ed. Natagpuan itong patay na.
Hindi malilimutan ni Ken ang pangyayaring iyon. Nalungkot siya sapagkat namatay ang kanyang matalik na kaibigang si Ed.
- Latest