Asero!
Namatay matapos umanong sapakin ng kanyang kaklase na armado ng brass knuckles ang 14-anyos na high school student ng Pres. Diosdado Macapagal High School sa Taguig, kamakailan.
Sinasabing namaga ang utak ng binatilyong si Juny Jabon matapos tamaan sa mukha ng asero na ginamit sa kanya ng suspect na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Dahil sa pangyayari, uminit ang usapin tungkol sa umano’y maluwag na bentahan ng asero sa mga lugar tulad ng Quiapo, Divisoria, Baclaran at iba pang mga bangketa.
Kahapon umapela na rin ang pamunuan ng PNP sa mga lokal na opisyal na ipagbawal ang pagbebenta ng brass knuckles upang maiwasan umano na magamit ito sa anumang uri ng karahasan.
Bagamat may ilan na umanong lokal na pamahalaan na nagbabawal sa pagbebenta nito sa pamamagitan ng kanilang mga naipasa nang ordinansa, hindi naman naging mahigpit ang pagpapatupad, kaya tuloy ang pagtitinda sa kung saan-saan lamang.
Lumakas umano ang bentahan nito dahil sa madalas na ginagamit itong pang-self defense lalu na raw ng mga kababaihan laban sa masasamang elemento posibleng umatake sa kanila. Kaya nga nagkalat na ito sa mga bangketa at kahit sino ay maaaring bumili.
Sinabi naman ng pulisya na ang brass knuckles ay maituturing o maihahanay na isang ‘deadly weapon’ kaya nga ang kanilang hiling sa mga lokal na opisyal ay makaaksyon para mahigpitan ang bentahan nito.
Ang tanong eh bakit ngayon lang, dahil ba sa may namatay?
Hindi lang naman ang mga brass knuckles ang nagkalat sa mga itinitinda sa mga bangketa, meron ding mga balisong at mga matutulis na bagay na maihahanay ding deadly weapon pero maluwag na naibebenta.
Nagkataon lamang na ang asero ang gamit ng suspect na sumapak sa biktimang si Juny kaya dito ngayon nakapokus ang mata ng publiko at ng mga opisyal ng gobyerno.
Walang ipinag-iba yan sa mga naunang panawagan tungkol sa paghihigpit sa maluwag na bentahan ng silver cleaner na sinasabing madalas na ginagamit ng marami sa kanilang pagpapatiwakal at ng rugby na ginagamit umano sa pagbibisyo ng maraming menor de edad.
O hindi ba’t hanggang sa ngayon eh maluwag pa rin at open ang bentahan nito.
Kaya sa malamang, ilang araw lamang matapos ang pagkamatay ni Juny, eh maliÂlimutan ang tungkol sa brass knuckles na ’yan.
- Latest