EDITORYAL - Napakaraming illegal posters
NGAYON masusubok ang kapangyarihan ng Commission on Elections (Comelec). Kaya ba nilang alisin ang illegal posters at iba pang campaign materials na nakadikit sa mga lugar na hindi dapat lagyan? Kaya ba nilang baklasin maski ang mga campaign posters ng administration candidate? O hahayaan na lamang nila? Ngayon makikita ang tigas ng Comelec katulad ng lagi nilang sinasabi na walang patataÂwaring kandidato kapag lumabag sa tinatadhana ng batas ukol sa paglalagay ng kanilang campaign materials.
Kahapon ay umarangkada na ang mga kandidato para sa local position sa kanilang pangangampanya. Kanya-kanya na ring dikit ng kanilang posters sa mga pader, poste, dingding, sasakyan, waiting shade at maski ang mga punongkahoy ay hindi na rin pinatawad ng mga kandidato. Maraming lugar sa Quezon City at Maynila na halos magdilim na ang mga kalye sa dami ng mga nakasabit na streamers at banners ng pulitiko. Maski ang traffic lights ay hindi pinatawad at halos matakpan na ang mga ilaw. Delikado ang mga nakabitin na streamers sapagkat maaaring bumagsak sa pedestrians at motorista. May pabigat na mga bato na anumang oras ay maaaring humulagpos sa pagkakatali.
Sabi ng Comelec, gagamitin nila ang social media para madaling matukoy ang mga kandidatong lalabag sa pagkakabit o paglalagay ng campaign posters. Hinihikayat nila ang mamamayan na ireport ang mga lalabag.
Sana ay magampanan ng Comelec ang tungkulin at maipatupad nang makatotohanan ang batas. May mga batikos na may kinikilingan ang poll body sa paglalagay ng posters. Kapag ang administration candidate ang naglagay ay malambot ang batas at kapag sa kalaban, ay matigas o masyadong mahigpit.
Ipakita nang Comelec na wala silang kinikilingan. Alisin ang posters na wala sa designated areas. Agarang kumilos sa mga reklamo ng kandidato. Ipadama ang “kamay na bakal†sa mga lumalabag kahit pa ito ay kabilang sa kandidato ng administrasyon.
- Latest