Mga natutunan sa Semana Santa
NITONG nagdaang Semana Santa, sinamantala kong magnilay, magdasal at magbasa ng Bibliya at ito ang ibabahagi ko sa inyo.
Nalaman kong si Eba ang pinakamahalagang nilikha ng Diyos. Siya ang kumumpleto sa mga nilikha. Siya ang naninigurong magtutuloy-tuloy ang buhay. Bilang giver of life at nurturer. Kaya dapat pahalagahan ang mga babae!
Natutunan kong si Lucifer ay dating mabuting anghel. Ang pangalan nga niya ay nangangahulugang Son of Morning. Hanggang nilamon siya ng kanyang pride. Ito ay babala hinggil sa mapait na dulot ng pagmamataas.
At dahil si Satanas ay isang anghel, siya ay kabilang sa mga nilikha. At dahil siya ay isa lamang ding nilikha, siya ay mas mababa kaysa sa Diyos. Dahil mas mababa siya sa Diyos, hindi siya kasing makapangyarihan tulad Niya. Bagamat minsan ay pakiramdam nating napakalakas ng hila sa atin ng tukso, mas malakas pa rin ang Diyos at ang kakayanan nating labanan ang kasamaan, basta nananalig tayong tutulungan Niya tayo.
Ang kasalanan ang humihiwalay sa atin sa Diyos. Ngunit si Hesus ang naglalapit sa atin sa Diyos Ama. Masdan ang krus at kung papaano natin ito isinusulat. Ang guhit na patayo ang pader na humihiwalay sa atin sa Diyos Ama. Habang ang pahigang linyang kaliwa-pakanan ang direksyon ni Hesus. Ang tanging daan patungo sa Ama ay sa pamamagitan ni Hesus.
Bakit may mga mabubuti ngunit dumaranas pa rin ng sakit at hirap? Samantalang may mga masasama ngunit masagana ang buhay? Isa ito sa mga question mark sa buhay ko noon pero naliwanagan ako nitong Semana Santa. May mga bagay talagang hindi mabibigyan ng kasagutan sa buhay na ito. Sigurado akong mga pagsubok lamang ang mga ito, at sigurado rin akong ang best lamang ang gusto para sa atin ng Diyos. Siya ang lumikha sa atin kaya wala Siyang hangad kundi ang pinaka-mabuti. Ang mga paghihirap na nararanasan ay pagsubok sa ating katatagan. Kung tayo ay masunurin at gumagawa ng tama, hindi natin kukwestiyunin ang mga pangyayari dahil nananalig tayong may magandang kahihinat-nan ang lahat ng bagay gaano man kasama ang dating nito sa simula.
Ang kapatawaran ang magpapalaya sa iyo. Mahirap magpatawad lalo na kung niloko ka at sinaktan. Paano ka na kung hindi bibitiw sa mga negatibong bagay? Ayaw mo bang lumigaya? Ayaw mo bang gumaan ang dibdib mo at mamuhay nang matahimik? Kung ayaw mo, huwag kang magpatawad at hayaan na tuluyang maging bato ang puso mo. Pero kung nais mong makatulog nang mahimbing at walang pag-aalala, by all means forgive.
Sa lahat ng mga nagdaang Semana Santa, ngayong 2013 ako tinamaan at nakaramdam ng tunay na diwa nito.
Sundan ako: twitter at instagram: @abettinnacarlos
- Latest