Editoryal - Rehab ng EDSA, daming magdurusa
DALAWANG taon ang tinatayang tatagal ng pagsasaayos o rehabilitasyon sa EDSA. Magsisimula ang pagsasaayos sa Mayo pagkaraan umano ng election. Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nagkakahalaga ng P3.7 billion ang proyekto. Sinang-ayunan na ng Metro Manila mayors ang EDSA rehabilitation. Ayon sa DPWH, kapag natapos ang rehabilitation, maipapantay na ang EDSA sa South at North Luzon Expressways.
Tiyak na matinding trapik ang mararanasan sa EDSA kapag sinimulan na ang pagsasaayos. Kahit na sabihin pa ng DPWH na napag-aralan na nila ang mga gagawin para hindi magkaroon ng grabeng trapikÂ, hindi pa rin ito katiyakan. Masusubok ang timpi ng mga commuters sa pagkakataong ito. Kung dati’y dalawang oras ang biyahe mula Monumento hanggang Pasay, maaaring maging tatlo hanggang apat na oras na. At lalo pang palulubhain ng mga pasaway na drayber na basta na lamang nagsasakay at nagbababa ng pasahero sa kung saan-saang lugar.
Sabi naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) magbubukas sila ng mga alternate routes. Pakikiusapan umano nila ang mga subdivision na magbukas para pansamantalang dumaan doon ang motorista. Marami pa raw silang gagawing paraan para hindi mahirapan ang motorista at commuters.
Matinding trapik ang kahaharapin. Lalo pa sa panahon ng tag-ulan at pasukan sa school. Makabubuting makipag-ugnayan sa MRT at LRT para madagdagan ang mga train na bibiyahe. Mas madaling magbiyahe sa tren sapagkat hindi apektado ng rehabilitasyon. Walisin naman sa EDSA ang mga colorum na bus na nagdadagdag sa pagsisikip ng trapiko. Dito makikita ang husay ng MMDA. Huwag hayaang magdusa ang mamamayan sa rehab ng EDSA.
- Latest