Maxwell House Coffee

LAKING Maynila ang boss ng aking tiya nang nagtatrabaho pa siya sa isang travel agency noong kabataan pa niya. Ito siguro ang dahilan kung bakit maling-mali ang “perception” niya tungkol sa mga probinsiyano. Marahil ang maling perception niya na karamihan sa mga taga-probinsiya ay mahihirap at mga baduy ay nanggaling sa mga napanood niyang mga comedy film na nagpapakitang mahihirap at tatanga-tanga ang mga probinsiyanong lumuluwas ng Maynila. Idagdag pa na may kasupladahan talaga ang lady boss na ito.

Kapag Christmas vacation ay lumuluwas kaming mag-anak paminsan-minsan upang mag-shopping sa Escolta gamit ang perang napamaskuhan namin, tapos dadaan kami sa Echague, Quiapo para bumili ng ham na ihahanda sa New Year.  Isang pagluwas namin ay dumaan kami sa opisina ng aking tiya. Isinama naming mag-iina ang aking tiyo dahil ito ang may alam sa address ng aking tiya na malapit lang sa Quiapo. Actually, bahay iyon ng supladang boss niya na ang kalahating bahagi ay ginawang opisina. Stay-in secretary ang aking tiya kaya wala kaming choice kundi doon siya bisitahin. Umaga noon kaya ipinaghain kami ng kapeng imported na ang brand ay Maxwell House at tinapay. Nasa dining area kami at kasalukuyang nagti-timpla ng kape nang bumaba mula sa second floor ng bahay ang lady boss. Ipinakilala kami ng aking tiya at sinabing nanggaling pa kami sa Laguna.

Habang nilalagyan ko ng kape ang aking tasa ay nakita ng lady boss na may ibinulong ang aking kapatid sa akin sabay turo sa garapon ng kape. Inakala ng lady boss na noon lang kami nakakita ng imported instant coffee kaya nagsalita siya: “Kaunti lang ang kapeng kuhanin ninyo dahil sobrang tapang n’yan.”

High school na ako noon kaya marunong na akong “lumaro” kapag nadadama ko na minamaliit ako ng aking kausap. “Yes, Mam, matapang nga ang kapeng ito. Kaya po itinuro ng kapatid ko, ang sabi ay “the same brand” ng iniinom naming kape sa bahay.”

“A, marami na rin imported goods sa probinsiya?”

“Hindi ko ho alam pero kung hindi sa Japan ay sa Singapore pa binili ‘yung Maxwell namin. Seaman ho ang tatay ko.” Bahagyang ngumiti si Mam Supladita at saka tumalikod.

 

Show comments