Editoryal - Bantayan ang mga batang nagpapaputok
WALANG kadala-dala ang karamihan. Sa kabila na marami nang naputulan ng kamay, daliri, nasunog ang mukha at nabulag, patuloy pa rin ang pagpapaputok nang marami. Sa kabila na walang tigil ang paalala ng Department of Health (DOH) na huwag nang magpaputok, marami pa rin ang sumusuway. Oktubre pa lamang ay nagpaalala na ang DOH na huwag nang gumamit ng paputok ang mamamayan at sa halip ay magsayaw na lang (Gangnam style) para walang disgrasya. Hindi nagkulang ang DOH sa pagbibigay ng paalala.
Karamihan sa mga nabibiktima ng paputok ay mga bata. May mga bata na dinadampot ang paputok na namatay ang sindi pero ang hindi nila alam, buhay pa pala iyon. Pagdampot, saka sumasabog. At ang resulta, putol ang mga daliri.
Nakapagtala na ang DOH ng 44 na biktima ng paputok mula Disyembre 21 hanggang 25, 2012. Karamihan sa mga biktima ay bata na edad 10 pababa. Dalawa sa mga biktima ang kailangang putulin ang kamay sapagkat grabe ang pinsala. Ang ilan ay sa mukha sumabog ang paputok at naapektuhan ang mga mata. Piccolo ang ginamit na paputok. Pinaka-marami ang biktima sa National Capital Region (NCR). Karaniwang piccolo ang paputok na ginagamit ng mga bata. Madali lang bilhin sa tindahan ang piccolo. Noong Pasko, ang kinita sa caroling ay ibinili lamang ng piccolo. Sinunog lamang ang pera at nadisgrasya pa.
Paalala sa mga magulang na bantayan ang inyong mga anak upang hindi mapahamak sa paputok. Hindi masusugatan o mabubulag ang mga anak kung laging babantayan at paaalalahanan. Magkaroon din naman nang paghihigpit ang pamahalaan sa mga ibinibentang paputok. Masyadong maluwag ang batas na kahit bata ay nakakabili ng paputok. Kailan pa maghihigpit? Kapag marami nang naputulan ng kamay, daliri at nabulag o namatay?
- Latest
















