Bisaya
KAMAKAILAN lang ay nagkaroon ng isyu si Anne Curtis na nakipagsagutan sa kanyang mga bashers sa Tweeter. Ayon sa mga bashers, siya raw ay anak ng katulong. Sinagot iyon ni Anne na hindi big deal sa kanya ang pagkakaroon ng inang katulong dahil walang mali roon kaya lang ang kanyang ina ay hindi katulong. Dagdag pa niya na hindi mayaman ang pamilya ng kanyang ina pero hindi ito naging katulong kahit kailan. Sa madaling salita, kinorek lang niya ang maling impormasyon na nakalap ng kanyang basher.
Bakit para sa ibang Pinoy, ang pagiging katulong ay isang katawa-tawa o kalait-lait na hanapbuhay. Naalaala ko na naman ang karanasan ng aking pinsan noong nasa elementary pa siya. “Ay, si Inday pala ang mommy mo!” kantiyaw ng mga kaklase niyang “mean girls” nang nalaman ng mga ito na Bisaya ang kanyang ina. Inday means katulong. Iyon kasi ang tumubong pangkalahatang impresyon sa isipan ng ibang tao—’pag Bisaya, katulong or ’pag katulong, malaki ang tsansa na Bisaya ito.
Tinanong kasi sila isa-isa ng kanilang titser kung saang probinsiya nanggaling ang kanilang mga magulang. Nang malamang Bisaya ang kanyang ina, lumundag na kaagad sa konklusyon ang mga salbahe niyang kaklase na katulong ang kanyang ina. Nagsumbong ang aking pinsan sa kanyang ama’t ina kaya tinuruan siya ng isasagot sakaling ulitin na naman ang pang-aasar sa kanya. “Proud na maging Bisaya ang aking mommy dahil karamihan sa mga Bisaya ay matiyaga at masikap. Kaya nga siya na-promote sa pagiging general manager ng kanilang kompanya dahil sa mga katangiang iyon.” Iyon ang kanya mismong tinuran sa recitation nang ang topic nila sa Hekasi ay ang magagandang katangian ng Pinoy sa bawat region. Nagkaroon ng magandang tsansa ang aking pinsan na itama ang maling impresyon ng kanyang mga kaklase tungkol sa mga Bisaya.
- Latest