Holdapan, nakawan ibang modus, titindi pa
Malaking hamon na naman sa pamunuan ng PNP ang pagtaas ng insidente ng holdapan at nakawan sa kasalukuyan.
Matindi na naman marahil ang pangangailangan ng mga kawatan kaya dapat itong matutukan.
Alam na alam ng mga ito na bigayan na ng kabuhayan o mga bonus ng marami nating kababayan kaya ayun, talamak na ang kanilang operasyon na sana dito mabigyang seguridad ng mga kinauukulan ang ating mga kababayan.
Kabi-kabila ang panghoholdap lalu na naman ng riding in tandem, ang masaklap pa nga dito ang ilan pinapatay pa ang kanilang mga binibiktima.
Hindi lang sa isahang holdapan, dapat din ngayong tumututok din sa pagbibigay ng seguridad ang ilang mga establisimento para sa kanilang mga kostumer.
Nauuso na naman ang panghoholdap sa ilang mga restaurant kung saan maging ang mga kostumer sa loob ay kasama sa kinukulimbatan ng mga kawatan.
Talagang pagpumapasok ang buwan ng Disyembre dumarami ang ganitong mga modus gaya na lang ng nangyari sa isang tea house sa Quezon City.
Nagpanggap na kostumer ang dalawang lalaki nang pumasok sa Chatime Tea House sa Brgy. Sto Domingo sa lungsod.
Alas-11 ng umaga ng pumasok ang mga suspect at nang makakuha ng tiyempo ay doon nagdeklara ng holdap at tinutukan ang lahat ng nasa loob.
Bukod sa kinuha ang kita ng naturang establisimento hindi pinatawad maging ang mga kumakaing kostumer na kinuha rin ang mga pera at gamit.
Maging ang mga ATM cards at credit cards ng mga kostumer ay pinagkukuha ng mga ito.
Mabilis na nakatakas ang mga suspect lulan ng motorsiklo.
Biruin ninyong sa kaumagahan eh nagagawa ng mga ito na mangulimbat, talagang talamak.
Kaya nga bukod sana sa seguridad na dapat ibigay ng pulisya, kailangan din ang ma-tinding seguridad sa mga establisimento dahil ngayon hindi lang sila ang target ng mga masasamang loob kundi pati na rin ang kanilang mga kawawang kostumer.
Siguradong habang papalapit pa ang holiday seasons titindi ang ganitong mga operasyon at ibat-ibang modus ng mga masasamang loob kaya nga inaasahan nila ang PNP para sila mabigyan ng proteksyon laban sa mga ito.
- Latest