^

Punto Mo

Monggo kapag Biyernes

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

LUMABAS sa “wall” ng Facebook account ko minsan ang isang posting ng komedyanteng si Brod Pete o Isko Salvador (ipalagay nang totoong account niya ito sa social networking site na ito) ang tanong na “Bakit tuwing Biyernes monggo ang ulam?”

Wala naman siyang ibinigay na paliwanag o sagot sa tanong na iyon. Basta na lang siya nagbato ng parang nagpapatawang tanong na ewan kung dapat seryosohin. May ilang nagbigay ng mungkahing  reaksyon tulad ng   isang nagngangalang Aung Mendoza na  nagsabing  “kasi po pag sat. alang pasok may taym ka na hilotin tohod mo pag sumigi rayuma bcoz of monggo jejeje allien.” Pabiro naman ang pagkakasabi bagaman may katotohanan sa ilang side effect ng monggo kapag napasobra sa pagkain nito. Tila katuwaan lang na isa iyon sa paksang tanong na ibinato niya sa mga Facebook user at mahihinuhang may layunin lang na magpatawa.

Bakit nga ba karaniwang monggo ang ulam sa mga hapag-kainan kapag Biyernes? Tila naging matagal nang tradisyon ito sa ating mga Pilipino kapag ganitong araw. Sa mga maliliit na restawran, karinderya at ibang kainan, hindi maaaring hindi ka makakakita rito ng ulam na monggo. Pero nagtataka rin ako na walang maisagot ang natatanong kong mga may-ari o tindera nito kung bakit monggo ang kailangang ulam kapag Biyernes. Siguro, ginaya na lang nila sa iba o namana sa mga nakakatanda sa kanila  o dahil nga, nakasanayan na natin, itinakda na nila ang monggo bilang isa sa regular nilang putahe kapag Biyernes.

Wala pa akong naeenkuwentrong opisyal na paliwanag dito.  May maikling survey sa Yahoo sa internet na mas pumabor sa isang nagpaliwanag na, dahil maraming Pilipino ang mas pinipiling mamalengke kapag Sabado o Linggo, inirereserba nila ang monggo bilang ulam sa huling araw ng linggo dahil dried ito at hindi nasisira. Hindi na nga naman kailangang ilagay sa refrigerator. Pero merong pangkalahatang paniniwala na nagsimula ang tradisyong ito sa hapag-kainan ng mga Pilipino sa taun-taong paggunita sa Semana Santa na kapag Biyernes Santo ay iniiwasan nating kumain ng karne bilang anyo ng pag-aayuno. Gulay o isda lang ang maaaring kainin. Mula roon ay naging tila kaugalian o nakasanayan na ang pagkain nito tuwing Biyernes kahit hindi panahon ng Kuwaresma. Kakatwa nga lang na, sa pag­luluto ng monggo, marami ang nakasanayan nang igisa ito sa baboy. May halong baboy na taliwas sa sinasabing isang anyo ng pag-aayuno sa karne kapag Biyernes.  Ang iba, sa halip na baboy, ay manok o hipon o isda ang isinasahog bukod pa sa mga rekadong tulad ng dahon ng sili.

Isa rin namang masustansiyang pagkain ang monggo bagaman nakakasama rin kapag sobra dahil mayaman ito sa tinatawag na uric acid na nagdudulot ng sakit sa bato. Isang maganda sa monggo, kahit isang tasa lang nito, lumalaki o dumarami kapag nailuto at puwedeng pagsaluhan kahit ng apat o limang tao.  Meron pang ibang malikhaing paggamit sa monggo tulad ng pangmeryenda. Merong hinahaluan ito ng yelo at gatas o kaya ay ginagawang ginatang monggo. Meron na nga ring hopiang monggo at ice drop na monggo flavor. Dahil na rin sa dumaraming klase ng paghahanda sa monggo sa pagdaan ng panahon, lumalabo na ang pinag-ugatan ng kasaysayan ng pagkain nito kapag Biyernes.

 

AUNG MENDOZA

BAKIT

BIYERNES

BIYERNES SANTO

KAPAG

MONGGO

PILIPINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with