Editoryal - Daming pulubi sa kalye,hello, DSWD!
NAINTERBYU sa TV si Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Dinky Soliman ukol sa mga nagkalat na pulubi sa kalye. At wala namang naibigay na magandang solusyon ang secretary sa pagdami ng mga pulubi sa Metro Manila. Sino kaya ang inaasahang lulutas sa problema ng mga pulubi na maaaring kapahamakan ang kahantungan dahil sa pamamalimos?
Karamihan sa mga pulubi ay mga bata at babaing may kargang sanggol na sumasampa sa mga pampasaherong dyipni at nag-aabot ng sobre. Ang ilan ay may bitbit na pinagpatung-patong na lata at saka tatambulin nang tatambulin na masakit ang dating sa taynga.
Ang mga batang pulubi ay sasampa sa dyipni at walang pakialam kung mahulog siya o tumalsik sa biglang arangkada ng dyipni. Ang ibang pulubi ay nagtatawanan pa habang nag-uunahan sa pagsampa sa dyipni.
Habang palapit nang palapit ang Pasko, parami nang parami pa ang mga pulubi at tila wala na ngang solusyon ang DSWD kung paano sila pipigilan.
Maraming pulubi sa Quiapo, Carriedo, Rizal Avenue, España, Araneta, Quezon Avenue, EDSA-Kamuning, North EDSA, Philcoa at Novaliches. Sila ay karaniwang tanawin na lamang sa lansangan. Walang pakialam ang pulis, MMDA at maski ang barangay. At dahil nga walang humuhuli sa kanila, inaakalang tama ang kanilang ginagawa. At patuloy sila sa pamamalimos at pagsampa-sampa sa mga dyipni o kaya ay sa bus.
Ayon sa DSWD, karamihan sa mga batang pulubi ay ginagamit ng sindikato para mamalimos. Pinahihirapan at sinasaktan ang mga bata para mapilitang mamalimos.
Payo ni Soliman, huwag maglilimos sa mga pulubi, mahirap daw ito sapagkat likas sa mga Pinoy ang maawain lalo pa’t Pasko. Kapag nilimusan sila, muli silang babalik sa kalsada.
Tama naman ang payo ni Soliman na huwag maglimos. Pero sana naman, magkaroon nang konkretong solusyon ang DSWD para mawalis sa kalsada ang mga pulubi lalo na ang mga bata. Pagdadamputin sila at ilagay sa ayos.
- Latest