MARAMI nang buhay na nasayang dahil sa paggamit ng methampethamine hydrochloride o lalong kilala sa tawag na shabu. Kapag nakagamit ng shabu, demonyo na ang nakakubabaw at lahat nang kasamaan at karumal-dumal ang gagawin. Wala nang magawa ang naka-shabu sapagkat ang kanyang isip ay kontrolado ng demonyo. Sunud-sunuran na lamang siya. Ganyan kasama ang epekto ng shabu sa utak ng tao. Gaano man kabait ang isang tao, kapag nakasinghot ng shabu, nagi-ging demonyo.
Nasa kulungan na ang magkapatid na Rolin, 27, at Roel Gacita, 24. Maaaring tuluy-tuloy na ang pagbiyahe nila sa Muntinlupa sapagkat mabigat ang ginawa nilang kasalanan. Sila ang humoldap, pumatay at nagtangka pa umanong gumahasa sa UST graduate na si Cyrish Magalang, 20, noong nakaraang Miyerkules sa Bacoor, Cavite. Bumili lamang ng puto bumbong ang biktima sa Bacoor at sumakay sa traysikel ng magkapatid. Dinala sa isang kubo si Cyrish at doon pinagtangkaang gahasain. Lumaban ang biktima kaya pinagsasaksak at binagsakan pa ng hollow block sa mukha. Pagkatapos mapatay, tinangay ang mga mahahalagang gamit ng biktima.
Agad namang nadakip ang magkapatid at uma-min sa krimen. Umiiyak pa ang mga ito at sinabing gumamit sila ng shabu kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen. Kahapon, sinabi pa ng dalawa na nagsisisi na sila. Kung hindi raw sana sila nag-shabu ay baka hindi nila nagawa ang krimen. Kung maibabalik lang daw ang pangyayari.
Patunay lamang na kahit saang lugar, mapa-liblib man ay laganap ang shabu. Imagine, ang mga gumagamit ng shabu ay hindi lamang mga propesyunal kundi pati na rin ang mga karaniwang traysikel drayber. Saan nanggaling ang shabu na kanilang sininghot?
Maaaring hindi lamang ang magkapatid ang su-misinghot sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Bakit hindi isailalim sa drug test ang mga traysikel drayber sa lugar na iyon. Delikadong may mabiktima pa ang mga addict na traysikel drayber. Kumilos sana ang Cavite PNP o PDEA para matukoy ang pinanggagalingan ng shabu sa Cavite area.