Working student itinumba ng tandem!

Suma-sideline na musikero sa bar
MANILA, Philippines — Patay ang isang 22-anyos na working student matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa San Jose, Batangas kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan ang biktima na si Charles Usi, kumukuha ng Bachelor of Arts in Communication sa Westmead International School at isang part-time performer o singer sa isang bar.
Sa report ni P/Major Florencio Caisip Jr., hepe ng San Jose Municipal Police Station (MPS) nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa Brgy. Banay-Banay II, San Jose ng nasabing lalawigan. Pauwi na sa kanilang tahanan ang biktima lulan ng motorsiklo matapos na kumanta sa bar na part-time job nito nang sundan ng dalawang lalaki na magkaangkas din sa motorsiklo at pinagbabaril ng backrider.
Duguang sumemplang ang biktima sa sinasakyan nitong motorsiklo.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos na masigurong napuruhan ang target na biktima.
Nauna namang naireport sa pulisya na aksidente ang nangyari sa nasabing lugar pero nang dumating ang mga pulis at imbestigador ay dito nadiskubre na may mga tama ng bala ang biktima.
“Nung madala namin siya (victim) sa Metro San Jose Hospital, accordingly is lima ‘yung tama. Bale ‘yung putok sa likod, lumusot doon sa kanyang gitara tapos lumusot sa katawan,” anang opisyal.
Nabatid na mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa katawan ang tumama sa biktima.
- Latest
















