Suspek sa rocket attack ng mayor’s convoy, huli
COTABATO CITY , Philippines — Matagumpay na naaresto ng pulisya ang isa sa umano’y suspek sa pananambang at rocket attack sa mayor at mga kasamahan noong Enero 25 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Sa ulat, ang suspek na kinilalang si Toraipe Lusod na gumagamit din ng ibang pangalan na “Aripi Adam” ay nakorner ng mga operatiba ng iba’t ibang units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur matapos silang makatanggap ng tip sa presensya nito mula sa residente sa nasabing lugar noong Sabado.
Sinabi ni Police Captain Steffie Salanguit, spokesperson of PRO-BAR, hindi na nanlaban ang suspek nang naramdaman nitong napapaligiran na ng mga pulis ang kanyang hideout hanggang sa mapayapang sumama sa raiding team.
Nakumpiska ng mga pulis ng Datu Unsay Municipal Police Station at Maguindanao del Sur Provincial Police Office, na nanguna sa operasyon, mula sa suspek ang 5.56 M4 assault rifle, na isa sa mga armas na ginamit sa pag-ambush kay Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan, Sr. at kanyang mga kasamahan noong Enero 25, 2026. Tinarget din ng mga suspek ang convoy ng alkalde sa pamamagitan ng pagpapakawala ng B40 anti-tank rocket, na ikinasugat ng alkalde at apat niyang kasama.
Sa nasabing ambush, nakaligtas si Mayor Ampatuan Sr. dahil sa gamit nitong bullet-proof sports utility vehicle (SUV) at hindi umubra ang pagpapaulan ng mga bala ng assault rifles at B40 rocket launchers sa convoy nito.
Nakorner at naaresto umano si Lusod ng mga pulis nitong Sabado sa kasagsagan ng pagsisilbi ng mga warrant of arrests laban dito dahil sa pagkakasagkot umano sa karahasan sa BARMM.
- Latest
















