3 katao patay sa Cebu landslide!

MANILA, Philippines — Tatlo katao ang kumpirmadong patay kabilang ang dalawang bata matapos na matabunan ng lupa ang kanilang tahanan dahil sa mga pag-ulan sa Barangay Pulangbato, Cebu nitong Biyernes.
Sa isinagawang search and rescue operation ng mga awtoridad, nakuha ang mga bangkay ng dalawang batang lalaki na may edad 5 at 6, at isang senior citizen mula sa kanilang bahay na natabunan nang gumuhong lupa mula sa mataas na bahagi ng kanilang lugar.
Lumalabas na na-trap sa kanilang bahay ang mga biktima nang maganap ang landslide sa Sitio Riverside.
Sinasabing ang mga biktima ay magkakasamang nakatira sa isang bahay nang biglang humina ang lupa sa bulubunduking bahagi na katabi ng kanilang bahay.
Hindi naman inabot nang gumuhong lupa ang ibang kabahayan sa lugar at tanging ang bahay ng mga biktima ang napuruhan na natabunan ng lupa.
Nakaligtas naman sa insidente at isinugod ng mga emergency responders ang nanay 5-anyos na nasawi.
Patuloy ang rescue operation ng mga awtoridad sa lugar upang matiyak na wala nang iba pang nabiktima sa naganap na pagguho ng lupa.
- Latest

















