Task Force sa Bulacan naghahanda sa tagtuyot
MALOLOS CITY, Bulacan – Maagap ang ginagawang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa inaasahang matinding tagtuyot, ngayong huling mga buwan ng 2026 hanggang sa mga unang bahagi ng 2027.
Pangunahin na rito ang mas pinalawak na saklaw ng kapangyarihan ng mga ahensiya ng pamahalaan at paglalahok sa mga pribadong concessionaires ng iba’t ibang public utilities bilang mga kasapi sa muling ibinalangkas na El Niño Task Force.
Pinagtibay ito sa agarang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na ipinatawag ni Gobernador Daniel Fernando.
Matatandaan na sa ilalim ng Bulacan Bulk Water Supply System, nagsisilbing water transmission facility ang Luzon Clean Water Corporation na humihigop ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray. Mula roon, pinapaagos ang tubig patungo sa mga water distribution utilities upang makarating sa mga tahanan, paaralan, ospital, at mga establisemento.
Ang naturang mga water transmission at distribution utilities ay pawang mga pribadong sektor, kaya’t minarapat ng PDRRMC na makilahok sila upang maging tuwiran ang pagtugon sakaling maging lubos ang pagbaba ng sublay ng tubig sa Angat Dam na ngayo’y nasa 207 metro. Naipon ang mga tubig sa dam sa kasagsagan ng nagdaang mga bagyo at sinabayan ng mga habagat.
Para naman sa seguridad sa pagkain, iniulat ni Provincial Agriculture Office (PAO) Head Gloria Carillo na mangangailangan ng halagang mula P44.6 milyon hanggang P511.9 milyon depende sa epekto ng tagtuyot.
- Latest





















