‘Killer’ ng mag-live in partner, timbog sa Quezon
Matapos magtago ng 2-taon
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines – Nagwakas na ang halos dalawang taong pagtatago ng isang lalaking kabilang sa listahan ng mga Regional Top 3 Most Wanted Persons (MWPs) matapos na maaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Purok Tagule, Barangay 61, Real, Quezon kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol.Romulo Albacea ang naaresto na si alyas “Gani”, 57, at residente ng Barangay Nanguma, Mabitac, Laguna, na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong murder.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-5:30 ng hapon ng joint composite team ng RID4A RIT-Laguna, PIU Quezon, 4th Platoon ng 1st QPMFC, QPPO, Mabitac MPS, at Real MPS, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCol. Vicente Saspa Cabatingan, chief ng Regional Intelligence Division (RID).
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Lourdes Santos Mendoza ng RTC Branch 166, Fourth Judicial Region, Siniloan, Laguna, kaugnay ng Criminal Case Nos. S-14165 at S-14166. Batay sa police report, nagtago ang suspek mula pa noong 2024 at palipat-lipat ng lugar upang makaiwas sa pagkakaaresto.
Iniuugnay ang akusado sa pamamaril at pagpatay sa mag-live-in partner na sina alyas “William” at “Margie” sa gitna ng kanilang mainitang komprontasyon na may kaugnayan sa negosyo sa Barangay Nanguma, Mabitac, Laguna noong Agosto 2024.
- Latest




















