Bantay Dagat member, misis todas sa ambush

MANILA, Philippines — Binistay ng bala ang isang Bantay Dagat member at misis nito makaraang tambangan ng armadong lalaki sa isang madilim na bahagi sa isang lugar sa Pitogo, Zamboanga del Sur noong Martes ng gabi.
Ang nasawing mga biktima ay isang 61-anyos na Bantay Dagat member at ang 62-anyos nitong misis; pawang residente ng nasabing bayan.
Sa report ni P/Col. Bonifacio Arañas Jr., Director ng Zamboanga del Sur Police Provincial Police Office, nangyari ang krimen sa bisinidad ng Purok 7, Brgy. Panubigan, Pitogo bandang alas-7:40 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ang mag-asawa ay lulan ng Honda XRM motorcycle na kulay itim at pula na bumabagtas sa highway nang pagbabarilin ng armadong salarin pagsapit sa isang madilim na bahagi ng lugar na napapalibutan ng taniman ng saging, may 100 metro mula sa national road.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa lugar kung saan nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siyang kumitil sa buhay ng mga ito.
Namataan ang mga suspect na tumatakas patungo sa direksiyon ng Brgy. Matinao, Pitogo.
- Latest




















