Binatang PWD, nasawi sa sunog
MANILA, Philippines — Isang 21-anyos na binatang may kapansanan ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Purok 3A, Bagong Sibol, Barangay Dalahican, Lucena City nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktima na si alyas “Jayjay”, habang limang bahay na pawang gawa sa light materials ang nadamay sa sunog.
Sa ulat ng BFP-Lucena City, alas-6:30 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat ng sunog at pagdating nila sa lugar malaki na ang apoy na mabilis na kumalat sa limang kabahayan na gawa sa light materials.
Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga otoridad matapos iulat na may isang taong na-trap sa loob ng nasusunog na bahay at naapula ang apoy alas-7:09 ng umaga.
Natagpuan ng mga bumbero ang biktimang si Jayjay sa likurang bahagi ng unang bahay na pinagmulan ng sunog.
Tinatayang nasa P100,000 ang halaga ng pinsala, habang patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang insidente.
- Latest

















