2 trainee namatay sa ‘heat stroke’ - Philippine Army
MANILA, Philippines — Nasawi sa heat stroke ang dalawang kandidatong sundalo habang sumasailalim sa matinding pagsasanay sa Capas, Tarlac, ayon sa Philippine Army nitong Sabado base sa resulta ng medikal na pagsusuri.
Kinilala ng Army’s Training Command (Tracom) ang mga nasawing recruits na sina Candidate Soldiers (CS) Johndyl Lemoshiro, 19, ng New Corella, Davao del Norte at CS Junel Flores, 24, ng Lamitan City, Basilan; pawang ng Candidate Soldier Class 806-2026.
Ang dalawa ay kapwa sumasailalim sa pagsasanay sa School for Candidate Soldier, Initial Military Training Group sa Camp O’ Donnel nang bigla ang mga itong himatayin noong Mayo 26.
“They suffered heat stroke linked to extreme physical exertion and high temperatures,” ayon sa medical certificates na inisyu ng mga doktor.
Sa resulta ng medical report, ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng dalawang trainee ay “exertional heat related injury o heat stroke”. “In its final diagnosis, doctors confirmed that both trainees ultimately succumbed to brain complications and swelling (encephalopathy) as a direct result of the severe heat stroke,” ayon sa Tracom.
Nabatid na matapos himatayin ang dalawang bagong recruits ay agad silang isinugod sa Camp O’Donnel Medical Treatment Facility kung saan isinailalim sila sa ‘endotracheal intubation’ upang makahinga kung saan ilang araw silang walang malay at nasa kritikal na kondisyon hanggang sa tuluyang bawian ng buhay.
- Latest




















