‘Killer’ ng utol ni BGen. Marantan, timbog!

Matapos magtago ng 13 taon..
MANILA, Philippines — Matapos ang mahigit isang dekadang pagtatago, nadakip sa lalawigan ng Batangas ang suspek sa pagpatay sa kapatid ng hepe ng CALABARZON na si Police Brigadier General Hansel Marantan, sa isinagawang Warrant operation ng Police Regional-Office 4a (CALABARZON) nitong Mayo 14 sa Brgy. Sinisian West, Lemery, Batangas.
Kinilala ang naarestong suspek na si alias “Romualdo,” kabilang sa Regional Level Most Wanted Persons sa ilalim ng Coplan Insulin, na nagtago ng 13 taon sa mga awtoridad.
Madaling araw ng Mayo 14 nang maaresto ang wanted sa bisa ng warrant of arrest para sa mga kasong Murder at Frustrated Murder.
Base sa ulat, ikinasa ang operasyon laban sa akusado ng mga tauhan ng Regional Intelligence Division 4A kasama ang Regional Intelligence Teams ng Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon, Regional Special Operations Unit 4A bilang lead unit katuwang ang 402nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 4A, Provincial Intelligence Unit ng Batangas PPO, at Lemery Municipal Police Station.
Batay sa police report, naganap noong Agosto 26, 2013 sa Brgy. Talaga, Lemery, Batangas, ang pagpatay sa biktimang si alias “Ariel”, kapatid ni PBrig. Gen Hansel Marantan, na nagtamo ng pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, ang kasong frustrated murder laban din sa akusado ay naganap noong Setyembre 30, 2014 sa Brgy. Sinisian West, Lemery, Batangas, kung saan naging biktima sina alyas “Randy” at alyas “Edgardo”.
- Latest





















