Lava patuloy ang pagdaloy sa Bulkang Mayon

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagdaloy ng lava sa mga dalisdis ng bulkang Mayon sa Bicol partikular sa Basud, Bongga at Mi-isi gullies na may panaka-naka at mahinang dagundong at panandaliang lava fountaining mula sa bunganga ng bulkan,
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nagtala din ang bulkan ng 71 volcanic earthquakes kabilang ang 39 volcanic tremors at 421 rockfall events at 6 na pyroclastic density current signals o uson.
Nakikita rin ang crater glow sa bunganga ng bulkan at ang pagluwa ng asupre na nasa 889 tonelada at mahinang pagsingaw na nasa 750 metrong taas na napadpad sa kanluran-timog-kanluran bahagi ng bulkan.
Nagkaroon din ng panandaliang pag-impis ng bulkan na may nagsisimulang pamamaga sa hilagang-silangang bahagi nito.
Bunga nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang uri ng aircraft dahil sa banta ng pagguho ng bato, pagtilapon ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, Uson at katamtamang pagputok gayundin ang pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Ang Bulkang Mayon ay nananatiling nasa alert level 3 na nangangahulugan na may mataas na aktibidad ang bulkan.
- Latest

















