Van sinalpok ng bus: 7 sugatan
TAGKAWAYAN, Quezon, Philippines — Nasugatan ang pito katao matapos araruhin ng isang pampasaherong bus ang isang Isuzu Aluminum van sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay San Francisco ng bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan at dinala sa Tagkawayan District Hospital ay kinilala lang sa mga pangalang Dinky, 50, driver; Jimmy, 36, helper; Romeo, 49; Co-driver sa bus at ang tatlong pasahero ng bus na sina Aldwin, 17; Ernest, 51; kapwa residente ng San Pedro City, Laguna at James, 22, ng Cabuyao, Laguna.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tagkawayan Municipal Police Station (TK MPS), bandang alas-8:00 ng gabi habang binabagtas ng Isuzu aluminum van ni Dinky na may kargang 139 sako ng kopra nang mangyari ang insidente sa bahagyang pakurbadang bahagi ng kalsada patungong Maynila.
Bigla umanong binangga ng pampasaherong bus na minamaneho ni alyas “Winston”, 38-anyos, ng Maasin, Southern, Leyte ang hulihang bahagi ng delivery van na bumibiyahe rin sa parehong direksyon.
Dahil sa lakas ng impact, tumulak paabante ang delivery van at aksidenteng nabangga ang motorsiklong pansamantalang nakaparada sa gilid ng kabilang kalsada.
Lumabas din sa imbestigasyon na umabot sa humigit-kumulang 150 metro ang pagkakatulak ng bus sa delivery van.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Tagkawayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) Tagkawayan, at TK MPS sa nasabing aksidente.
- Latest






















