10 terorista todas sa engkuwentro!

COTABATO CITY , Philippines — Patay ang lider at 9 pang hinihinalang miyembro nang matagal ng nabuwag na Dawlah Islamiya terrorist group sa madugong engkwentro sa mga pulis at sundalo sa Barangay Banga-Pantar sa Marantao, Lanao del Sur madaling araw nitong Biyernes.
Sa mga hiwalay na ulat nitong tanghali ng Biyernes, kinumpirma nina Army Lt. Gen. Donald Gumiran, commander ng Western Mindanao Command, at Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkasawi sa bakbakan ng 10 na kasapi umano ng Dawlah kabilang ang kanilang leader na si Amerol Mangoranca.
Apat sa mga napatay ay mga babaeng armado, ayon kina Gumiran at De Guzman.
Sa report naman ng CIDG, kabilang sa nasawi sina sina Jamail Ibrahim alyas “Orak”; Fahmi Aminodin alyas “Pakmin”; Sohaile Borud Bato alyas “Nasif/Muslim”; Mohaimen Aragon alyas “Turab”; Nahara Khairiya Hamim alyas “Yaqiyna,” asawa ng DI-MG sub-leader na si Amir; alyas “Polindan,” asawa ng DI-MG amir Usman; at dalawang hindi nakikilalang babaeng indibiduwal.
Hahainan lang sana ng mga ahente ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ng mga pulis mula sa iba’t ibang units ng PRO-BAR at ng mga tropa ng 103rd Infantry Brigade si Mangoranca at mga kasama ngunit bago pa man sila nakalapit sa kanilang hideout sa Barangay Banga-Pantar ay pinaputukan na nila ang tropa bunsod nang palitan ng putok.
Agad na namatay sa mga tama ng bala sina Mangoranca at ang kanyang 9 na tauhan, ayon sa mga hiwalay na ulat ng local government unit ng Marantao at ng mga officials ng Lanao del Sur Provincial Police Office.
Si Mangoranca at lahat ng kanyang kasamang namatay sa naturang engkuwentro ay wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, armed robbery, arson, kidnapping, extortion, at trafficking of narcotics na nakabinbin sa iba’t ibang mga korte sa Lanao del Sur sa Bangsamoro region at sa mga bayan sa Lanao del Norte at sa Iligan City na sakop ng Region 10.
- Latest

















