^

Probinsiya

4 timbog sa tangkang kidnapping sa Cavite

Cristina Go Timbang - Pilipino Star Ngayon
4 timbog sa tangkang kidnapping sa Cavite
Ang apat na suspek sa tangkang pagdukot sa isang biktima sa Brgy. Maguyam, Silang, Cavite matapos makorner ng pulisya. Nakuhanan ang mga ito ng mga baril at bala.
Cristina Go Timbang

SILANG, CAVITE, Philippines — Timbog ang apat na kalalakihan matapos mabigo sa tangkang pagdukot sa isang biktima sa Brgy. Maguyam, Silang, Ca­vite nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 11, 2026.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Ang,” “Al, “Ed,” at “Char,” pawang mga nasa hustong gulang. 

Batay sa imbestigasyon, alas-2:15 ng hapon nang dumating ang mga suspek sa isang compound lulan ng isang puting van at nagpanggap na mga kustomer na naghaha­nap sa biktima. 

Sapilitan umano nilang pinasok ang gusali at umakyat sa ikalawang palapag kung saan naroroon ang biktima.

Nagawa namang makababa ng biktima upang humingi ng tulong, ngunit hinabol siya ng mga suspek, sapilitang hinawakan, at tinangkang isakay sa kanilang sasakyan.

Agad namang isinara ng security guard ang main gate ng compound kaya hindi nakatakas ang mga suspek. Agad hu­mingi ng saklolo ang isang empleyado sa kalapit na detachment ng Cavite Provincial Mobile Force Company na agad rumesponde ang mga tauhan ng Silang Municipal Police Station.

Dahil sa maagap na aksyon ng mga pulis, matagumpay na nailigtas ang biktima at nasakote ang apat na suspek.

Narekober sa operas­yon ang isang kalibre .45 na pistola na may walong bala, isang kalibre .38 na rebolber na kargado ng tatlong bala, isang patalim, at ang van na ginamit ng mga suspek.

Isasailalim ang mga suspek sa medical exa­mination at inquest proceedings, habang dadalhin sa Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang armas at naka-impound ang sasakyan bilang ebidensya.

KIDNAPPING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with