23,176 violators huli sa Calabarzon
Sa ‘Safer Cities’ ops...
CAVITE, Philippines — Umabot ng 23,176 violators ang naaresto sa loob ng isang linggong operasyon sa implementasyon ng programang Safer Cities sa buong Calabarzon region.
Base sa ulat ng Police Regional Office Calabarzon sa pamumuno ng Acting Regional Director na si PBGen Hansel M. Marantan, umabot sa 23,176 ang naitalang paglabag na iba’t ibang ipinagbabawal sa batas mula Abril 8 hanggang Abril 14, 2026.
Kabilang sa mga naitalang paglabag ang 5,883 na indibidwal na nahuli sa pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, 2,838 na gumagala sa lansangan nang walang suot na pang-itaas, 437 sa paggamit ng videoke lampas sa itinakdang oras, 8,098 na menor de edad na lumabag sa curfew, at 4,980 na lumabag sa iba pang pinapatupad na ordinansa.
Sa kabuuang bilang ng mga lumabag, 17,098 ang binigyan muna ng babala at pinalaya, alinsunod sa direktiba ni SILG Jonvic Remulla, habang 6,062 ang pinagmulta, at 12 ang pormal na sinampahan ng kaso dahil sa mas mabibigat na paglabag.
Binigyang-diin ni PBGen Marantan na ang mga bilang na ito ay sumasalamin hindi lamang sa mas pinaigting na pagpapatupad ng batas kundi pati na rin sa pangangailangan na higit pang palakasin ang kamalayan at pagsunod ng publiko sa mga umiiral na regulasyon.
- Latest


















