3 kustomer ‘pumangit’ sa beauty products

MANILA, Philippines — Ipinadlock ng National Bureau of Investigation-Rizal District Office (NBI-RIZDO) ang isang malaking kumpanya na iligal na gumagawa ng mga hindi rehistradong sabon at iba pang produktong pampaganda na ibinebenta sa online platform matapos ireklamo ng tatlong kustomer na nagtamo ng pinsala at masamang epekto mula sa produkto sa Antipolo City, Rizal iniulat nitong Lunes.
Sinalakay ng pinagsanib na grupo ng NBI-RIZDO, Food and Drug Administration (FDA), at Antipolo Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang pagawaan ng “Dimple Soaps” sa Barangay San Jose noong Marso 25.
Nag-ugat ang operasyon ng mga awtoridad sa reklamong inihain ng tatlong babae na matapos gumamit ng kanilang produkto ay nagkaroon ng kumplikasyon o masamang epekto sa kanilang balat, sa halip na gumanda.
Unang isinagawa ang cyber surveillance sa social media platform ng mga suspek na natukoy ang mga produktong mapanganib dahil sa hindi sumailalim sa mandatory quality at safety testing, kawalan ng license to operate (LTO), business permits at paglabag sa Republic Act 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009), RA 7394 (Consumer Act of the Philippines), na pawang paglabag din sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Kinumpiska ang mga iligal na produkto na kinabibilangan ng mga hair rebonding treatment at iba’t ibang sabon, tulad ng mga feminine bar na may tatak na “Hikari” at mga novelty-molded soap.
Kinumpirma rin ng Antipolo BPLO na ang pasilidad ng paggawa, sa ilalim ng mga pangalang “Dimple Soap,” “Dimple Sabon,” at “D Organics Soap,” ay walang permit upang patakbuhin.
- Latest




















