Army vs NPA: Tinyente dedo, 3 sugatan
MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang Army Lieutenant habang tatlo ang sugatan kabilang ang isang amasonang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na madugong bakbakan kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng komunistang grupo sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Sabado.
Sa report, sinabi ni Col. Michael Aquino, Acting Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 2nd Infantry Division (ID), nagsasagawa ng pursuit operations ang tropa ng Army’s 68th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Monteclaro nang makasagupa ang nasa 15 na armadong rebelde.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng mahigit 20 minuto bago nagsitakas ang mga kalabang rebelde bitbit ang mga kasamahan na sugatan.
Ayon kay Aquino, nasawi si 1st Lieutenant Dean Oyando na namuno sa kaniyang tropa sa paghabol sa grupo ng mga rebelde na naghahasik ng karahasan sa komunidad sa naturang lugar.
Dalawa namang sundalo ang nasugatan sa engkuwentro, isa rito ay isinugod sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City.
Nasakote naman ng mga sundalo ang isang sugatang amasona matapos na masukol habang nagtatago sa damuhan pagkaraang maiwan ng mga nagsitakas na kasamahan, kaya dinala rin sa pagamutan.
Narekober sa encounter site ang isang M16 rifle, isang granada at isang Improvised Explosive Device.
- Latest





















