Lola binaril sa ulo ng riding-in-tandem

MANILA, Philippines — Patay ang isang 70-anyos na babae matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakatayo sa gilid ng national highway sa Barangay Puerta Real, Sto. Domingo, Ilocos Sur bago magtanghali nitong Miyerkules.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Imelda Tabil, residente sa Barangay Pussuac ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang lumapit sa lugar kung saan naroon ang biktima bago isinagawa ang pamamaril.
Sinabi ng mga imbestigador ng Sto. Domingo Police na huminto ang motorsiklo ilang metro mula sa biktima at bumaba ang isa sa mga suspek. Nilapitan umano nito si Tabil at saka binaril sa ulo, na agad niyang ikinabagsak.
Dinala pa ang biktima sa Ilocos Sur District Hospital sa bayan ng Magsingal ngunit idineklara siyang dead-on-arrival.
- Latest















