Isabela nasa ‘state of calamity’ dahil sa tagtuyot

BAGUIO CITY , Philippines — Isinailalim ng provincial government ng Isabela ang kanilang buong lalawigan sa “state of calamity” dahil sa nararanasang “dry spell” o tagtuyot na sanhi ng matinding pinsala sa agrikultura at banta sa kabuhayan ng mga taga-Isabela.
Ang deklarasyon ng state of calamity sa Isabela na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa ginanap na ika-7 Special Session sa Provincial Capitol ng Ilagan City, ay kasunod ng mga ulat na malawakang pagkasira ng mga pananim at pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa labis na kakulangan ng tubig-ulan.
Sa resolusyon na inisponsoran ni Board Member Evyn Jay C. Diaz, nakasaad ang datos mula sa Provincial Agriculture Office na nagpapakita na nasa 49,468.87 hektaryang taniman ng mais ay matinding naapektuhan ng matagal na tagtuyot.
Sa babala ang mga provincial agriculturists, ang mga corn farmers ay magdudusa ng 80 porsyentong pagkalugi sa kanilang mga ani na katumbas ng may P2.3 bilyong pagkasira ngayong cropping season, at inaasahan na tataas pa ang halaga ng pagkalugi.
Ang deklarasyon na state of calamity sa Isabela ay sinuportahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council matapos ang isinagawang pagtaya sa malawakang impact sa mga agrikutura at kabuhayan doon.
- Latest
















