1 pang suspek sa maritime student hazing, sumuko
CAVITE, Philippines — Sumuko na rin kahapon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-NCR sa Camp Crame ang isang 26-anyos na alumnus ng Tau Gamma Phi na kabilang sa sangkot sa insidente umano ng hazing na ikinasawi ng 19-anyos na maritime student sa General Trias City, Cavite.
Kinilala ang sumuko na si alyas “John”, ang ikapitong suspek na sumuko sa mga awtoridad.
Ganap na alas-7 ng gabi ng Marso 9 nang magtungo ang suspek kasama ang mga magulang nito sa tanggapan ng CIDG-NCR at boluntaryong sumuko.
Ang nasabing fratman ay kabilang sa 18 na isinasangkot sa pagkamatay ng 19-anyos na biktimang si Mark Kenneth Alcedo, 1st year College ng BS Maritime sa PNTC Dasmarinas City, dating Philippine Nautical ang Technological Collge.
Kamakalawa ay sinampahan na ng ama ng biktima na si Elegio Alcedo ang lahat ng suspek na sangkot sa pagkamatay ng anak nito.
Sa kabuuan, pitong suspek na ang kasalukuyang hawak ng awtoridad habang patuloy na nakakatanggap ang pulisya ng mga surrender feelers mula sa iba pang mga sangkot.
- Latest
















