Scam hub sa Angeles ni-raid: Korean operator, 11 pa timbog

MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Koreano na nagpapatakbo umano ng scam hub at nadiskubre ang isa pang pinaghihinalaang scamming hub kung saan naaktuhan naman ang 11 pang Korean workers na ilan sa kanila ay mga pugante sa kanilang bansa sa isang enforcement operation sa Angeles City, Pampanga.
Sa isang ulat kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, isinagawa ng Intelligence Division–Special Response Team (ID-SRT) ang pagsalakay noong hapon ng Pebrero 25, na nagresulta sa pag-aresto sa 33-taong-gulang na Koreano na si Yu Jaemin.
Ang operasyon ay nag-ugat sa napatunayang impormasyon na ang suspek ay sangkot sa operasyon ng isang pinaghihinalaang scam hub na tumatarget sa mga kapwa Koreano at posibleng iba pang mga dayuhang biktima.
Nagsagawa ng pagmamatyag ang mga operatiba sa loob ng target na lugar at inobserbahan ang suspek na lumalabas ng kanyang tirahan at tumungo sa isang opisina na Poinsettia Street sa Angeles City.
Pagpasok sa lugar, naaktuhan ng mga BI agents ang 11 na iba pang Korean nationals na nagtatrabaho roon.
Sa agarang pagberipika ng mga pagkakakilanlan ng mga dayuhan at katayuan sa imigrasyon, natuklasan na tatlo sa kanila ay mga pugante na may mga rekord at kaso sa korte, habang ang ilan pa ay napatunayang overstaying, na paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940, na may susog.
Bago ang implementasyon, nagkaroon muna ng maayos na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) Pampanga at Angeles City Police upang matiyak ang lehitimo at maayos na pagsasagawa ng pagsalakay.
Habang isinasagawa ang operasyon, isa pang Koreano ang dumating sa lugar at nagpakilalang siya ang nagpapaupa o tagapamahala ng ari-arian. Naiulat na nakialam siya sa operasyon at sinabing ipinadala siya ng mga awtoridad ng Korea. Gayunman, sa beripikasyon ng BI kasama ang gobyerno ng Korea ay nabatid na wala silang ganitong ginawang representasyon.
- Latest
















