4 patay sa landslide dahil kay Basyang
MANILA, Philippines — Apat katao ang patay matapos ang pagguho ng lupa sa kasagsagan ng matinding pag-ulan dulot ng bagyong Basyang sa Cagayan de Oro City.
Ito ay makaraang matabunan ng lupa ang tinitirahang bahay ng mga biktima na kinabibilangan ng isang mag-asawa, isang 13-anyos at 1-buwang sanggol sa Zone 1, Barangay Sambulawan, Agusan, Cagayan de Oro.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Agustin Mariano na ang mga biktima ay na-trap sa loob ng kanilang bahay nang matabunan ng lupa sa naganap na landslide Huwebes ng gabi.
Sinasabing dahil sa malakas at patuloy na buhos ng ulan dulot ng bagyong Basyang ay lumambot ang lupa sa lugar sanhi landslide.
Iniulat din na ang ilang national highway sa Barangay Bugo, Cugman, at Tablon ay dumanas ng matinding pagbaha dahil sa kalamidad.
Patuloy ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD) sa clearing operations sa landslide area at sa iba pang lugar sa lungsod habang patuloy ang pananalasa ng bagyo.
Pinayuhan din ang mga residente na nakatira sa tabing ilog, mababang lugar at mga bulubunduking lugar na magtungo sa mas ligtas na lugar para maiwasang maapektuhan ng kalamidad.
- Latest
























