Pickup umararo: Tanod patay, 4 sugatan!
3 pang sasakyan sinuyod
CAVITE , Philippines — Patay ang isang barangay tanod na naglalakad lang sa gilid ng kalsada matapos suyurin ng rumaragasang pickup truck habang apat ang sugatan at tatlo pang sasakyan ang inararo na minamaneho ng isang lasing na driver kamakalawa ng gabi sa Manila-Cavite Road, Barangay 8, Dalahican, Cavite City.
Kinilala ang nasawing biktima na si alyas “Ismael”, 29-anyos, barangay tanod at residente ng nasabing lugar.
Hawak naman ng pulisya ang driver ng rumagasang pickup truck na si alyas “Rolven” na nahaharap sa patung-patong na kaso.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:30 ng gabi, may kabilsan bumabagtas sa nasabing kalsada ang Ford Ranger na may plate number NOA 5899 na minamaneho ng driver na si Rolven. Patungo umano ang direksyon nito sa Noveleta nang un ang biglang banggain nito ang isang Honda Click na motorsiklo na may plate number 216-UHA at muling sinuyod ang isa pang motorsiklong Suzuki Raider (D4Y 384).
Hindi pa rin huminto ang pickup hanggang sa sinagasaan ang naglalakad na tanod at nagpatuloy sa pag-arangkada ito hanggang sa tuluyang sinalpok ang isa pang pampasaherong mini bus (DXN 626) na ikinasugat ng apat na pasaherong sina alyas Rolen, Maricris, Lavigne, at Realyn. Saka pa lamang dito huminto ang nasabing pickup Inaresto naman ng mga pulis na rumesponde sa lugar ang driver na positibo umano sa alak.
Dahil umano sa kalasingan, posibleng nakatulog ang driver habang nagmamaneho bunsod ng trahedya. Kasalukuyan namang ginagamot sa pagamutan ang apat na biktima habang nakakulong na ang nasabing truck driver.
- Latest


















