103-libong katao apektado kay ‘Wilma’ – OCD
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 100,000 katao ang apektado ni Tropical Depression “Wilma” na nagdulot ng mga pag-ulan sa Region 8 o Eastern Visayas, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) kahapon.
Sa report ng OCD Region 8 Officer-in-Charge Director Rey Gozon, nasa 3,164 pamilya o kabuuang 9,614 katao ang inilikas sa mga lugar na naapektuhan ng mga pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha.
Ayon kay Gozon nasa 29,960 pamilya o katumbas na 103,001 katao ang naapektuhan sa kabuuang 123 barangays sa Eastern Visayas.
Patuloy naman ang isinasagawang preemptive evacuation sa mga residenteng naninirahan sa mga flood at landslide prone areas.
Ang bagyong Wilma ay nag-landfall o tumama sa kalupaan ng Hilabaan Island sa Dolores, Eastern Samar bagaman ayon sa opisyal ay hindi naman kalakasan ang idinulot nitong mga pag-ulan.
Naiulat din ang hanggang tuhod na pagbaha sa General MacArthur, Eastern Samar kung saan nasa 10 barangay dito ang binaha na nagsimula ng humupa, ayon pa sa opisyal.
Samantalang binaha rin ang limang Barangays sa Llorente, Eastern Samar matapos na umapaw ang ilog sa nasabing bayan. Naranasan naman ang malalakas na pag-ulan sa Borongan City, Eastern Samar kung saan inalerto ng Local Government Units (LGUs ) ang kanilang mga rescue personnel.
Patuloy ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng relief goods sa mga binahang pamilya.
- Latest

























