^

Probinsiya

‘Mga korap mula taas hanggang baba, panagutin na!’

Artemio Dumlao, Jorge Hallare - Pilipino Star Ngayon
‘Mga korap mula taas hanggang baba, panagutin na!’
Bitbit ng mga estudyanteng raliyista ang isang karikatura ng malaking buwaya na sumisimbolo sa mga “buwayang opisyal ng gobyerno” na nagkamal ng bilyong pondo ng bayan mula sa mga infrastructure projects, sa “anti-corruption” rally sa Burnham Park sa Baguio City kahapon.
Andy G. Zapata

Sigaw ng mga probinsyano sa Trillion Peso March

MANILA, Philippines — Halos magkakapareho na isinisigaw ng libu-libong katao na du­magsa sa iba’t ibang anti-corruption rally na panagutin na ang mga korap na opisyal ng gobyerno mula sa taas hanggang sa babang posisyon at tiyaking mapapangalagaan ang pondo ng bayan.

Sa nationwide “Trillion Peso March” kahapon, nakiisa ang 2,000 katao na nagtipon sa Nepo Complex at nag-martsa sa Henson corner Valdez Sts. sa Angeles City, Pampanga na pinangu­ngunahan ng Kilusan Kontra Kurakot ­Pampanga (KKK), isang coalition ng kabataang grupo, mga manggagawa, civic organizations, at business sector representatives.

Hinimok ni KKK convenor Liza Ocampo-Pulido ang mga awtoridad na imbestigahan ang mga infrastructure scandal at iba pang anomalya na may kaugnayan sa pondo ng bayan.

Sa Baguio City, nakiisa rin sa kasintulad na rally ang nasa 1,500 estudyante, mga manggagawa, at church groups na nagmartsa sa Session Road saka nagsagawa ng programa sa Malcolm Square.

Ipinakita ng mga speakers at raliyista ang kanilang galit sa mga lumustay sa pera ng ­bayan sa pamamagitan ng mga dalang streamers, pla­kards at karikatura na naghahayag na itigil na ang napatagal nang korapsyon sa gobyerno at sa kakula­ngan ng pananagutan.

Sa Narvacan, Ilocos Sur, 800 residente at youth groups din ang nagprotesta dahil sa kakula­ngan ng pangangasiwa sa pondo ng publiko. Hiniling nila ang mas klarong pangangalaga upang mapigil ang ‘di tamang paggamit ng government budgets.

Samantala sa Albay, nasa 5-libong katao mula sa iba’t ibang bayan at sektor ang dumalo rin sa Trillion Peso March na nanawagang aksyonan ng gobyerno ang flood control projects anomaly at panagutin ang lahat ng sangkot dito.

Ayon kay Tet Triumfante, convenor ng Albay Movement Against Corruption kasama ang mga taga Social Action Center, mga pari, magsasaka, mangingisda, kabataang estudyante libu-libong taga-Bicol region, kanilang ipinanawagan sa gob­yerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil ang katiwalian, isulong ang interes ng mamamayan at hindi ang mga substandard na proyekto, ghost projects at flood control na umagaw sa budget ng basic services.

Dumalo rin si 1st District Cong. Krisel Lagman Luistro at sinabing sumama siya sa protesta, hindi upang mag-alsa laban sa administrasyong Marcos kundi iparating ang mensahe na nagmamanman sila at hindi umano titigil hanggang maiwasto ang proseso ng gobyerno at maalis ang korapsyon at managot ang dapat managot.

Binatikos naman ng grupong Youth Against Kurapsyon (YAK) ang Pangulo na bumisita sa Albay at namigay ng 1,000 sim cards sa mga estudyanteng apektado ng bagyong Uwan, pero nitong nakalipas na linggo lang ay 1,000 estudyante naman sa isang kolehiyo sa lungsod ang tinanggalan ng scholarship dahil sa kawalan ng pondo mula sa gobyerno.

KKK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with