Clan war sumiklab: MILF commander, 6 pa todas!
MANILA, Philippines — Patay ang pitong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kabilang ang kanilang kumander makaraang sumiklab ang clan war o “rido” sa pagitan ng magkalabang grupo sa Matalam na umabot pa sa Kidapawan City, Cotabato nitong Lunes, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing lider ng MILF na si “Commander Salidato” na ang pamilya ay sangkot sa “rido” sa isa pang grupo ng MILF commander dahil sa pinag-aagawan umanong lupain, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang nasawi.
Sa ulat ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, commander ng Army’s 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army, nag-umpisa ang bakbakan gamit ang mga assault rifles at grenade launchers, dakong alas–5 ng umaga sa Brgy. Estado sa Matalam hanggang sa umabot ang sagupaan sa karatig na Barangay Malinan sa Kidapawan City.
Dahil dito, sinabi ni Bunayog na nag-deploy na siya ng mga sundalo upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa lugar habang isinasaayos pa ng mga lider ng MILF ang gusot sa kanilang hanay.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Col. Jefferson Birrey ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO) na sinalakay ng angkan ng mga Langalen ang Brgy. Estado kung saan nakatira ang pamilya ni Commander Salidato.
Agad na sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal umano ng dalawang oras na ikinasawi ng nasabing MILF commander at anim na iba pa.
Matapos na bumulagta ang pito, napilitang umatras ang mga umatakeng grupo upang hindi abutan ng paparating na pinagsanib na elemento ng militar at pulisya.
Dahil sa nasabing engkuwentro, nasa 20 miyembro ng pamilya ng MILF na kinabibilangan ng mga matatanda, babae at bata ang napilitang magsilikas sa takot na maipit sa madugong barilan.
- Latest




















