Lola utas sa hambalos ni ‘Uwan’, kabahayan wasak!

Alagang manok tinangkang sagipin
MANILA, Philippines — Patay ang isang 64-anyos na lola na nagtangkang sagipin ang mga alagang manok makaraang hambalusin ng napakalakas na hangin ang mga kabahayan sa tabing aplaya sa Seaside Pier 2, Brgy. 3, Catbalogan City, Samar sa kasagsagan ng pananalasa ni super typhoon Uwan kamakalawa.
Sa ulat ng Catbalogan City Police, kinilala ang biktima na si Faye, residente ng nasabing lugar.
Nadiskubre ng mga rescue and retrieval team ang bangkay ng matanda bandang alas-4 ng madaling araw ng kaniyang pamilya na bumisita sa tahanan ng matanda.
Base sa inisyal na imbestigasyon, na-trap ang matanda sa loob ng tahanan nito na gawa sa mahihinang uri ng materyales nang bumagsak ang nasabing bahay sa tindi ng lakas ng hangin na humambalos sa mga kabahayan sa tabing dagat.
Nabatid na ang pamilya ng matanda ay nakalikas na matapos namang magpatupad ng preemptive evacuation ang lokal na pamahalaan sa mga “high risk areas” kaugnay ng pagtama ng super typhoon Uwan. Nasa 700 namang residente ng lungsod ang inilikas na pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation centers.
Gayunman, bumalik ang matanda sa kanilang tahanan upang sagipin ang mga alaga niyang manok na pinangangambahan nitong magkamatay sa sobrang lamig, at lakas ng ulan at hangin.
- Latest




















