Buong pamilya nasawi sa lindol sa Cebu

MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng pamilya ang kabilang sa 72 nasawi sa 6.9 magnitude ng lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Martes ng gabi.
Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) Central Visayas, ang pamilya ng ginang na si Janice Malinao,mister nito at dalawang anak ay kabilang sa 32 kataong nasawi sa Bogo City matapos mabagsakan ng debris ng gumuho nilang bahay.
Batay sa ulat, dakong alas-9:59 ng gabi habang ang mag-anak ay mahimbing ng natutulog nang yumanig ang malakas na lindol kung saan ay gumuho ang mga konkretong bahagi ng kanilang tahanan at mabagsakan ang mga ito.
Nang magresponde ang mga otoridad kinabukasan ng umaga ay isa-isang nakuha sa gumuhong tahanan ang bangkay ng mag-anak at wala ni isang nakaligtas.
Sa nasabing oras nang tumama ang tectonic na lindol na ang epicenter ay sa silangang bahagi ng Bogo City, Cebu habang matindi ring naapektuhan ang mga bayan ng San Remegio, Medellin pawang sa lalawigan at iba pa.
Ang lindol ay lumikha ng 5 kilometrong hukay na ang tremor ay naramdaman sa Visayas Region maging sa ilang bahagi ng Mindanao at Bicol Region na nakapagtala naman ng 2,800 aftershocks.
- Latest

















