Rider na humahagibis dedo sa AUV, driver arestado!

MANILA, Philippines — Patay ang isang motorcycle rider nang makabanggaan ang isang Asian Utility Vehicle (AUV), sa Cainta, Rizal, Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), ang biktimang si alyas “Alfred”, 41-anyos ay nasawi dahil sa mga pinsalang tinamo sa katawan matapos tumalsik at bumagsak sa kalye.
Naganap ang insidente ala-1:10 ng madaling araw ng Setyembre 28, sa Felix Avenue, sakop ng Barangay Sto. Domingo, Cainta.
Pinipigil na sa Cainta MPS ang driver ng AUV na si alyas “Jolly”, sa posibleng pagsasampa ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Gayunman, aalamin din sa isasagawang awtopsiya ang estado ng biktima, kung nakainom ito dahil sa napakabilis na pagpapatakbo habang ang AUV ay katamtaman lang umano ang bilis.
Makikita sa kuha ng CCTV na naka-post sa Facebook account ni Mayor Johnielle Keith Pasion Nieto, nasa opposite lane ang AUV na kumakaliwa sa direksyon ng CVS Homes 1, nang sumulpot ang motorsiklo at bumangga sa kanan bahagi ng AUV.
Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang rider at suot na helmet, at tumalsik ang mga bahagi ng motorsiklo.
Sinabi ni Mayor Nieto na kanyang pinakuha ang CCTV footage sa naganap na insidente at nakita niya ang pangyayari kaya nagbabala sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho.
- Latest





















