Motor sumalpok sa poste: Mister dedo, misis nakatalon
CAVITE , Philippines — Patay ang isang mister makaraang sumalpok ang minamaneho nitong motor sa konkretong poste sa gilid ng kalsada habang masuwerte namang nakaligtas ang misis nito na nakatalon bago ang pagsalpok, kahapon ng madaling araw sa Governors Drive, Brgy. Conchu, Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa ulat ng pulisya, alas-2:45 ng madaling araw habang magkaangkas ang mag-asawang biktima sa motor na kinilalang sina alyas “Renier”, 36, security personnel at misis na si alyas “Pamela”, 36, empleyado, kapwa residente ng Southville 2, Brgy. Aguado, Trece Maritres City, Cavite at may kabilisan umano ang takbo ng mga ito at pauwi na ng mga oras na iyon nang sumalpok sa electric post na nasa gilid ng kalsada.
Ayon sa misis ng biktima, may kabilisan ang kanilang takbo at hindi na nakuhang magmenor ng kaniyang mister at dire-diretsong sumalpok sa poste subalit bago umano ito sumalpok ay nagawa nitong makatalon.
Agad silang naitakbo sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival na ang mister nito.
Ayon sa pulisya, lasing umano ang mister na biktima nang maganap ang aksidente.
- Latest





















