Ex-ladycop tiklo sa droga

MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang nadismis na babaeng pulis matapos itong mahulihan ng 45 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Poblacion 2, Sagay City, Negros Occidental nitong Miyerkules, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni P/Lt. Col. Alvimar Flores, hepe ng Sagay Police, ang suspect na dating Patrolwoman ay kinilala sa alyas na “Tata”, 30.
Ayon sa opisyal, isinagawa ang buy-bust operation sa nasabing lugar matapos silang makatanggap ng impormasyon na aktibong nagtutulak ng droga ang naligaw ng landas na dating parak.
Agad namang nagsagawa ng surveillance operation ang mga operatiba at matapos magpositibo ang report ay agad na ikinasa ang buy-bust operation.
Arestado ang suspect sa aktong iniaabot ang P1,000 halaga ng shabu sa isang asset ng pulisya.
Narekober mula sa suspect ang 45 gramo ng shabu, isang cal. 45 caliber pistol na may isang magazine at limang bala kung saan ay wala itong maipakitang dokumento na legal ang pag-iingat nito ng armas.
Nabatid na ang suspect ay huling natalaga sa Police Regional Office (PRO) 6 sa Iloilo City at nasuspinde noong Enero 2021 hanggang madismis noong Oktubre 2023 dahil sa pag-Absent Without Official Leave.
- Latest
















