1 todas, 3 tiklo sa drug bust operation
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang drug den operator na umano ay konektado sa Dawlah Islamiya habang naaresto ang tatlong kasama sa isinagawang drug bust operation Philippine Drug Enforcement Agency at mga pulis sa Barangay Old Nunungan, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur, nitong Miyerkules.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Allan Sinapal Masundig habang ang tatlong kasama na naaresto ay sina Monera Bansuan, Jordan Alon, at Tanggul Kunakon na nasamsaman ng 33 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P224,400.
Sa ulat nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM ay isinagawa ang drug bust operation na kung saan ay pinaputukan ng mga suspek ang mga otoridad na aaresto sa kanila.
Gumanti ng putok ang mga otoridad at napatay si Masundig umano ay may koneksyon sa grupong terorista na Dawlah Islamiya habang ang tatlong kasama ay kusang loob na sumuko.
Nasamsam din ng magkasanib na mga otoridad ang M14 assault rifle ng nasawing si Masundig at mga drug paraphernalias na nakakalat sa kanilang drug den.
- Latest























