Grade 10 stude arestado sa P6.8 milyong shabu
MANILA, Philippines — Nabitag ng mga awtoridad ang isang Grade 10 student matapos mahulihan ng P6.8 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Inabanga, Bohol, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Bohol Provincial Police Office (PPO), kinilala ang nasakoteng suspect na si Joshua Cabido, 22 taong gulang, naninirahan sa Brgy, Mantatao, Calape, Bohol.
Bandang alas-11:50 ng gabi noong Huwebes ng masakote sa buy-bust operation ang suspect sa pinagsanib na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bohol at ng PNP sa Brgy. Tongod, Inabanga ng lalawigan matapos naman ang halos dalawang linggong surveillance operation.
Bago ito, nakipag-deal ang poseur buyer ng mga awtoridad sa nasabing estudyanteng tulak na isang high value individual (HVI).
Ang suspect ang itinuturong supplier ng illegal na droga sa buong lalawigan ng Bohol at ikinanta naman nito na isang alyas “TsoyTsoy” umano ang source niya sa ibinebentang droga.
Nakumpiska mula sa suspect ang mahigit isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon. Kasalukuyan nakakulong ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002.
- Latest





















